Lalaki sa US, muling nanalo sa lotto makalipas ang 3 taon

79
(Photo: Michigan Lottery)

MICHIGAN, US – Tila walang kahirap-hirap para sa isang 50-anyos na lalaki ang manalo ng lotto– dahil hindi lang isa kundi dalawang beses bumisita ang kasuwertehan niya bilang isang mananaya.

Muli kasing nagwagi ng $4 million o P199 million si Mark Clark, makalipas ang tatlong taon na nanalo rin siya ng lotto sa parehong halaga.

Ayon kay Clark, mula nang palarin siya noong 2017 ay bumibili pa rin siya ng ticket paminsan-minsan.

Nagsimula ang kanyang winning story noong Disyembre 2017 nang bumili siya ng ticket habang naghahatid ng gasolina sa isang gas station.

Nang kanya umanong gasgasin ang bar code, nakiusap siya sa kanyang assistant na ipagpatuloy ito para malaman ang resulta.




Aniya, bigla raw tumingin ang kanyang assistant na tila gulat na gulat at sinabing, nanalo siya ng 4 milyong dolyar.

Simula noon ay nagpasya siyang magretiro at ilaan ang kanyang mga oras sa pangingisda kasama ng kanyang ama at anak na lalaki.

At noong Hunyo 4 ay muli siyang nanalo ng P199 million.

Samantala, gaya ng swerteng natanggap ni Clark, ay nanalo ang isang lalaki mula Colorado ng dalawang $1 million sa loob lang ng isang araw.

Nagwagi siya noong Marso 25 sa Powerball lottery game.