Kunwaring police operation, tinupad para sa hiling ng batang may kanser na nais maging pulis

367
(Picture: Make-A-Wish UK/PA )

Bilang katuparan sa hiling ng isang batang may kanser, isang pekeng police operation ang isinagawa ng grupo ng kapulisan mula West Yorkshire, England.

Pangarap maging pulis ng 7-anyos na si Allan Harris na nasuriang may tumor sa sikmura o sakit na rhabdomyosarcoma noong 2018.

Sa loob ng isang taong pagsasailalim sa operasyon, natapos ni Allan ang serye ng gamutan at sa tagal nang pananatili sa ospital, nais niyang magkaroon ng espesyal na araw na hindi niya malilimutan.

INNITY ADS

Sa kagustuhang maging isang tunay na pulis, handog ng West Yorkshire Police na tuparin ang pangarap ni Allan sa pamamagitan ng pekeng police stage arrest.

Una na silang nagsagawa ng pekeng krimen at pagsalakay hanggang sa pag-aresto sa pekeng suspek kung saan ang batang si Allan ang aarteng pulis.




Mula Wales ay idinala nila ang bata sa himpilan para iparanas sa kanya ang training na gagawin bago sila sumabak sa operasyon, suot ang unipormeng ipinahiram dito.

(Picture: Make-A-Wish UK/PA )

Maya-maya ay ipinasok nila si Allan sa loob ng van at paglabas ay saka na sinimulan ang aksyon.

Suot ang extra protective gear, ipinanood ng mga pulis sa bata kung paano ang tamang pag-kontrol ng isang kaguluhan.

Matapos nito ay ipinaranas naman nila sa bata ang pagsalakay sa isang bahay at kung paano nila sinira ang pintuan nito.

Makailang saglit pa ay nasubukan din ni Allan na sumakay sa isang police motorbike na mayroon pang gamit na sirena.

Sa bandang dulo ay matagumpay na nahuli nina Allan at naaresto ang nagkunwaring suspek sa tulong din ng asong gamit at kasama ng grupo.

Matapos ang pekeng operasyon, binigyan ng espesyal na presentasyon si Allan para markahan ang kanyang ginawa.

Labis naman ang tuwa ng bata dahil sa katuparan ng kanyang hiling.

Ayon kay chief executive Jason Suckley, ang namumuno ng Make-A-Wish UK, “We have recently experienced a significant increase in the number of children turning to us for a wish – around 1,700 between July and November last year alone.”