Indian yogi na nabuhay raw nang walang pagkain o tubig, pumanaw sa edad na 90

1165

Pumanaw na sa edad na 90 ang Indian yogi na nagsabing nabuhay siya nang ilang dekada na walang pagkain o tubig, noong Martes.

Noong 2003 nang maitampok ng AFP si Prahlad Jani, nagmula sa Charada, Gujarat kung saan niya ginugol ang buhay sa pagyo-yoga at meditation.

Ayon kay Jani, binasbasan siya ng isang diyosa noong kanyang kabataan, kaya kinakaya niyang mabuhay nang hindi kumakain.

INNITY ADS

Dahil dito, umani ang yogi ng mga deboto sa kabila ng pagdududa ng mga eksperto sa medisina.

Noong 2010, isang grupo ng military doctors ang nag-obserba kay Jani sa ospital kung saan sinubaybayan siya nang dalawang linggo sa CCTV.




Nagawa niyang hindi kumain, uminom, o pumunta sa banyo at tanging mumog at ligo lang ang ginawa nito na ipinagtataka ng mga eksperto.

Kasunod nito, sinuri rin ang kanyang organs, puso, baga, at memorya, ngunit hindi na nailabas pa ng Defence Research and Development Organization ang resulta ng pag-aaral.

Nitong Martes nang mamatay si Jani dahil sa katandaan, ayon sa kanyang kapitbahay.

Sinubakan pa umano siyang isugod sa ospital ngunit idineklara ring dead on arrival.

Dinala ang katawan ni Jani sa Ambaji, lugar na kilala sa mga templo nito at kung saan din siya nagtayo ng maliit na ashram na tinawag na “Mataji” (goddess).