‘Hello, Love, Goodbye’ higit P500M na ang kinita

120

Tila hindi pa rin magkamayaw ang publiko sa unang tambalan nina Alden Richards at Kathryn Bernardo.

Inanunsyo ng Star Cinema, Lunes, na lagpas na sa P500 million mark ang kinita ng “Hello, Love, Goodbye”, magdadalawang linggo mula nang ilabas sa mga sinehan.

Sa Instagram post ng ABS-CBN film production, inihayag nilang kumita na ng kabuuang P505,773,926.62 ang pelikula as of 1 p.m, August 12.

INNITY ADS

“Di na po matapos tapos ang ating pasasalamat! over 500 million thank yous! To God be the glory!” saad sa caption ng post.

Sa ilalim ng direksyon ni Cathy Garcia-Molina, umikot ang pelikula sa buhay ni Ethan (Richards) at Joy (Bernardo) na pawang mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa Hong Kong.




Bagaman mula sa magkatunggaling network, pumatok sa takilya ang tambalang Alden-Kathryn.

Katunayan, ang “Hello, Love, Goodbye” ang kauna-unahang pelikulang Pilipino na ipinalabas sa Jeddah, Saudi Arabia.

Si Alden Richards ay mula sa GMA at kilala rin sa loveteam na “AlDub” kasama si Maine Mendoza, habang Kapamilya star naman si Kathryn Bernardo na parte ng “KathNiel” kasama ang boyfriend na si Daniel Padilla.