Gary V, nakalikom ng mahigit P2-M matapos ang isinagawang Facebook live concert

605
(Screenshot from Gary Valenciano Officia Facebook video)

Umabot sa P2,468,143 kabuuang halaga ang nalikom ni Mr. Pure Energy Gary Valenciano sa unang gabi ng kanyang two-night series na live ipinalabas sa Facebook.

Nito lamang Sabado, Abril 18 nang mapanood online ang kanyang concert na pinamagatang, “Gary V: Hopeful”.

Ibinida ng singer ang ilan sa kanyang greatest hits na tumagal ng mahigit dalawang oras at kinumpleto ito ng kanyang signature dance moves.

INNITY ADS

Sa kanyang official Facebook page ay ibinahagi ni Gary V ang kanyang pasasalamat sa lahat ng tumangkilik at sumubaybay sa kanyang pagtatanghal.

“This online concert is my way of thanking fans, friends, and supporters and it is a tribute to the unsung heroes of the COVID-19 pandemic,” aniya.




Dagdag niya, ang naturang concert ay para sa Operation Blessing Foundation Philippines at Shining Light Foundation na may layong suportahan ang mga frontliners at mga manggagawang nangangailangan.

Para rin daw ito sa pagsasagawa ng mga feeding programs para sa mga kababayang pinakaapektado ng enhanced community quarantine gaya ng yaong mga nawalan ng trabaho.

Maalalang kamakailan lang ay ibinahagi ni Gary V sa pamamagitan ng Instagram post ang kanyang weekend concert dahil sa kagustuhang makapagbigay ng pag-asa sa kabila ng krisis dulot ng coronavirus pandemic.

Samantala, hindi naman natapos noong Sabado ng gabi ang concert dahil naulit ito noong Linggo sa kaparehong oras.

Kaugnay nito, ilang personalidad na rin ang nagsagawa ng online concert para makalikom ng donasyon na itutulong sa mga kababayang apektado ng lockdown.

Kabilang na dito ang “Bayanihan Musikahan” ni Ryan Cayabyab noong Marso 17 gayundin ang sikat na singer na si Lea Salonga na nakalikom ng P1.8 million para sa COVID-19 frontliners.