Ding dong: 4-ft na ahas, tumambad sa doorbell ng bahay ng lalaki sa US

606
(Screenshot from KMBC YouTube video)

KANSAS, US – Mistulang pampasuwerte ng isang lalaki ang pagkakaroon ng camera sa doorbell ng kanyang bahay para malaman kung sino ang kumakatok sa kanilang pinto.

Ngunit nasorpresa ito sa nakita sa kanyang pintuan nang pagbuksan niya ang kung anong pumipindot ng kanyang doorbell.

Hindi kasi tao kundi isang rat snake na may habang 4 feet ang nakasabit sa doorbell at tila nagpapa-ring ang tumambad kay Kyle Crane.

Saad nito sa panayam ng KMBC, una niyang inakala na isang butiki lamang ang pindot nang pindot sa bell.

Ngunit nang imbestigahan niya ito, natagpuan niya ang naturang ahas.




Aniya, hindi niya inaasahan ang kanyang nakita.

Matapos ang nakakabiglang pangyayari, inilagay ni Crane ang hayop sa isang malapit na creek sa lugar.

Samantala, naiulat na ang rat snakes ay hindi makamandag at karaniwan na sa lugar.

Umaabot din sa 7 feet ang haba ng mga ahas na ito.