Dahil naka-bedrest si misis: Mister, pumalit sa maternity photoshoot ng asawa

8052
Photo: K.M. Smither Photography

Kinagiliwan ang isang lalaki mula Kentucky matapos niyang akuin ang pagpapakuha ng ilang ‘maternity photos’ para mapasaya ang asawang kasalukuyang naka bedrest.

Sa ibinahaging post ng K.M Smither Photography, makikita si Jared Brewer na nag-ala buntis, hawak-hawak ang kanyang tiyan habang nakapose sa isang waterfall sa Elkhorn Creek sa Frankfort, Kentucky.

Photo: K.M. Smither Photography

Nakaplano kasing dumalo ng maternity photo shoot ang asawa niyang si Kelsey Brewer nang biglaan itong pagpahingahin ng doktor.

INNITY ADS

Ayon sa ulat, naka bedrest si Kelsey dalawang linggo bago manganak noong Sept. 28, rason kaya hindi ito nakarating sa naturang shoot sa pangununa ng K.M Smither Photography na pinamumunuan ng kanyang kapatid na si Kiana Smither.

Sabi ni Jared, nakuha raw niya ang ideya sa nakita niyang post noon ng mga litratong kagaya ng kanyang ginawa.




“But once she was put on bed rest, reaching out to her sister to take the photos for her seemed like the best idea to put a smile on her face,” saad nito.

Agad raw siyang nakipag-ugnayan kay Kiana kaya itinuloy nila ang shoot at dito na nagpakitang gilas sa pagpopose si Jared.

Ayon kay Kiana, “He was working it in front of the camera! I would ask him to do a pose and he would add this extra flair to it. Hysterical!”

Nang makita raw ni Kelsey ang mga litrato na agad na nagviral online, hindi raw nito mapigil ang kanyang pagtawa.

“It brought tears to her eyes to have a husband that’s so willing to do anything to make the best out of a situation!” dagdag pa ni Kiana.

Umabot naman sa 60,000 likes, 45,000 shares at mahigit 14,000 comments ang naturang post at kabilang si Kelsey sa nagbigay ng komento dito.

“My husband has been a total rock through this whole process and even managed to get with my sister to take these AMAZING PHOTOS! That I will literally cherish for the rest of my life!!” saad nito.

Sa huli ay nagpasalamat naman si Kelsey sa kanyang kapatid matapos ang nangyari.