Binatang nagngangalang ‘Zero Zero Three’, agaw-pansin online

1454
PHOTO: Facebook/Casera Pizza

Bukod sa pabonggahan o pa-espesyalan, karaniwang isinusunod ng ilang mga magulang ang pangalan ng kanilang anak sa iniidolo nilang personalidad.

Kaya naman pumukaw sa atensyon ng maraming netizens ang isang binatilyo mula Mérida, Mexico, na nangngangalang “Cero Cero Tres” o “Zero Zero Three” — na mahirap hulaan kung saan hinugot.

Naging usap-usapan si Cero Cero Tres Miller Santos Chablé makaraang lumahok sa paligsahang inorganisa ng isang pizzeria noong nakaraang linggo.

INNITY ADS

Dahil lumaki sa US kung saan tinatawag siya ng lahat na “Bambino”, nalaman lang daw ni Zero Zero Three ang kanyang tunay na pangalan sa pagbalik sa Mexico sa edad na 15-anyos.

Paliwanag ng kanyang mga magulang, ito ang ibinigay sakanyang pangalan dahil siya ang pangatlong anak.




Binalak pa nga raw nilang irehistro ito na “003” ngunit hindi puwede ang numerical figures sa pangalan.

Umamin si Zero Zero Three na nakaranas ng pambu-bully dahil sa pangalan, ngunit kalaunan ay natanggap niya rin ito at nagawang ipagmalaki.

Sa isang panayam sa director ng Mexican Civil Registry noong 2011, nabanggit ang “Zero Zero Three Miller” bilang pinakakakaibang pangalan, ayon sa ulat ng Oddity Central.