Binata, may alok na malaking halaga sa makakahanap ng girlfriend para sa kanya

2754

Handang magbigay ang isang lalaki sa Kansas, USA ng $25,000 (higit P1 milyon) sa sinumang makakatulong sa kanya na humanap ng nobya.

Sumuko na raw sa tradisyonal na ligawan, at lalong ayaw sa online dating ng binatang si Jeff Gebhart kaya naisipan niya ang enggrandeng pamamaraan.

“Well think about it, if you’re in a happy marriage, what monetary value could you ever place on meeting the right person … ever?” sabi ng 47-anyos sa KCTV.

INNITY ADS

“My time and frustration and disappointment definitely is worth some sort of dollar figure but that was roughly what I’d spend in dating,” dagdag niya.

Anim na buwan na raw pinaplano ng negosyante ang kanyang dating website na DateJeffG.com, na opisyal niyang binuksan nitong Linggo.




Makikita sa site ang halos lahat ng dapat malaman tungkol sa binata na nagdaan na sa ilang long term relationship, ngunit hindi pa nakakahanap ng pakakasalan.

Wala rin siyang anak, pero may inaalagaang tuta na pinangalanang “Gunner” — kaya bukod aniya sa paghahanap ng kasintahan, hangad niya ring makapag-donate ng $25,000 sa isang no-kill dog shelter.

Sa mga interesado sa nasabing alok, kailangang ang ireretong babae ay makikipag-date “exclusively” kay Gebhart sa loob ng 365 araw, ayon sa website.

Matatanggap lamang ang bayad, na limang hulugan sa loob ng limang taon, kung magtatagal ang dalawa.

Hindi naman bibigyan ng pera ang mga babaeng iprinisinta ang mga sarili para maging ka-date ng binata.

Pero hindi basta-basta ang gagawing pagpili ni Gebhart, dahil ayon sa website, dadaan ang mga babae sa isang survey na gawa pa ng clinical psychiatrist upang malaman ang kanilang compatibility.

Bagaman kakaiba ang pamamaraan, hangad ni Gerbhart ang mahanap na ang para sa kanya.

“The main objective of this is to find the right girl for me, wherever she is,” aniya.