Barista, nakatanggap ng higit $97,000 tip matapos ipahiya ng customer na walang face mask

951
Facebook/Amber Lynn Gilles

Tumataginting na $97,000 (P4.8 milyon) na tip ang natanggap ng isang barista matapos siyang ipahiya sa social media ng customer na ‘di niya pinagsilbihan dahil walang suot na face mask.

Ibinalandra sa Facebook ng customer na si Amber Lynn Gilles ang litrato ng barista sa Starbucks sa San Diego, California noong nakaraang Lunes, Hunyo 22.

“Meet lenen from Starbucks who refused to serve me cause I’m not wearing a mask. Next time I will wait for cops and bring a medical exemption,” reklamo niya.

Imbis na makakuha ng simpatya, binaha ng batikos ang customer sa pamamahiya ng empleyadong sumusunod lang sa patakaran ng kompanya sa gitna ng pandemya ayon sa netizens.

Kaugnay nito, isang Matt Cowan ang nagbukas ng GoFundMe page na “Tips for Lenin Standing Up To A San Diego Karen”, bilang suporta sa baristang si Lenin Gutierrez.




Mabilis na nalampasan ang orihinal na goal ng “virtual tip jar” na $1,000 (halos P50,000) at agad umabot sa $10,000 (P500,000) noong Hunyo 24 kung kailan nagkakilala na si Cowen at Gutierrez at nagkasundong personal na magkita.

Sa isang video sa Facebook, nagpasalamat si Gutierrez sa lahat ng sumuporta sa kanya, at ipinaliwanag ang kanyang panig sa insidente.

I’ve received numerous messages asking for my side of the story. Since this seems to be the most popular thread I decided to post my personal experience here. Thank you all for the love and support.

Posted by Lenin Gutierrez on Wednesday, June 24, 2020

Kuwento niya, bago pa man niya maipaliwanag ang polisiya ay pinagmumura na siya ni Gilles na paulit-ulit nagsasabing hindi niya kailangan ng face mask.

“I thought that was going to be the end of it. I didn’t know it was going to come to this,” aniya.

Balak niya namang gamitin ang natanggap na donasyon para ipagpatuloy ang pangarap niyang maging dancer.

Sa ngayon ay mayroon ng sumatotal na $97,872 (higit P4.8 milyon) ang GoFundMe page para kay Gutierrez mula sa 7,300 donors.