Babae sa Chicago, nakapagtala ng record matapos maghula-hoop sa loob ng 100 oras

62
(Image via Jenny Doan Instagram)

Isang babae mula Chicago ang nakapagtala ng bagong record sa paghuhula-hoop sa loob ng 100 oras nito lamang Sabado, Nob. 23 sa layon na makapagbigay tulong sa isang organisasyon sa Amerika.

Binasag ni Jenny Doan ang noo’y pinakamahabang oras nang paghuhula-hoop na naitala sa Guinness World Record taong 2009 ni Aaron Hibbs ng Columbus, Ohio sa record na 74 hours and 54 minutes.

Umabot ng mahigit apat na araw na paghuhula-hoop si Doan na nagsimula noong Martes at natapos noong Sabado ng umaga.

Ayon sa report, sinimulan ni Doan ang kanyang adventure sa District Brew Yards, isang bar and brewery sa Chicago’s West Town kung saan ini-livestream pa niya ito hanggang maabot ang 100 oras na goal.

Binigyan umano ng limang minutong break si Doan kada oras para makapagpahinga kung saan niya naisagawa ang tatlong oras na pagtulog.

Habang ginagawa naman ang paghuhula-hoop, isinasabay niya ang panonood ng pelikula at mga TV shows, pagkain, pakikipag-usap sa mga kaibigan at maging ang pago-online.

Matapos ang mahigit apat na araw ay nalagpasan nga ni Doan ang dating record sa tulong ng limang buwan na pag-eensayo.

Layunin ng record-breaker na makalikom ng mahigit $4,000 (P202,992.00) bilang donasyon sa Mental Health America, isang non-profit organization.

“It was such a huge relief to finish and make it all the way. I haven’t found the words to describe it yet,” ani Doan nang siya ay makapanayam.

Dagdag niya, ang susunod niya raw na adhikain ay makapaghandog ng $10K donasyon sa naturang organisasyon.

“It was so uplifting to see all kind words and donations roll in and I want to keep it up before the campaign ends on November 27. I’d love your help to share this as far as possible,” saad niya.