7-anyos lalaki, ginamit ang naipong pera pambili ng coronavirus care packs para sa mga senior

1110
Instagram/@cooldopeliving

Sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic, isang 7-taon-gulang na lalaki ang namili ng mga pagkain at panlinis para sa senior citizens gamit ang sariling pera.

Ibinahagi ni Cavanaugh Bell, mula Maryland, United States, ang kawang gawa sa Instagram at YouTube channel ng kanyang organisasyon na Cool & Dope noong Marso 18.

“It’s scary times with everything going on with the #coronavirus #pandemic, but I wanted to spread love and positivity,” saad niya.

Gamit ang nakalap na donasyon sa social media, at $500 (P25,000) mula sa sariling ipon, nakapamili si Bell ng mga prutas, disinfectant, sanitary items na sumapat para sa 65 care packages.

Ipinamigay niya ang mga ito sa kalapit nilang senior living community dahil paliwanag niya, “They are the most at risk right now with #COVID-19 and I wanted them to know that they were not forgotten.”

Hindi pa rito natapos ang kabutihan ng bata na kahapon lang, Marso 24, ay nagsagawa ng second round ng pamimigay niya ng care packages para sa mga matatanda, base sa kanyang Instagram post.

Sa edad na 5 ay nagsimula nang maging mapagkawanggawa at anti-bullying activist si Bell matapos makaranas mismo ng pambu-bully, ayon sa ulat ng Fox News.

Hinikayat siya ng kanyang nanay na labanan ang naturang karanasan sa pmamagitan ng pagpapalaganap ng “positivity and love”.