5 lifeguard, kinilala sa pagsagip sa CPR instructor na inatake sa puso habang lumalangoy

322

Pinangaralan ng American Red Cross ang limang lifeguard sa Florida, matapos iligtas ang buhay ng kanilang swimming at CPR (cardiopulmonary resuscitation) instructor na inatake sa puso habang nasa pool.

Lumalangoy ang 66-anyos instructor na si Clifford Patterson sa Morningside Recreation Complex, nang bigla na lang umano siyang mawalan ng malay, ayon sa Fox News.

Nasaksihan ni Jonathan House, at kanyang mga kasamahan ang insidente, na nangyari noong Oktubre nakaraang taon, at agad silang sumaklolo.

INNITY ADS

Kuwento ng lifeguard, wala nang pulso si Patterson nang maiahon nila sa tubig.

Hindi na nagsayang ng oras ang lima na agad nagsagawa ng CPR hanggang sa magsimulang tumibok muli ang puso ng instructor ilang minuto makalipas.




“I ended up in the hospital, in intensive care. What the paramedics have told me after I talked with them was I was down for four minutes,” saad ni Patterson sa ulat.

Sinabi ni House na maraming tao ang nagmamahal kay Patterson, at tiyak magiging malaking kawalan ang 66-anyos sa kanilang komunidad.

“To see the guy who trains and works with the city, for me especially, I knew if I didn’t save him people were going to miss him and I knew if I saved him, a lot of people were going to be happy,” ani House.

Kamakailan lang, ginawaran ng American Red Cross Lifesaving Award ang lima para sa kanilang tapang at mabilis na aksyon sa insidente.

Bukod dito, pinuri rin sila ni Eric Corliss, regional chief executive officer ng American Red Cross.