Vice Ganda, prayoridad ang ABS-CBN workers sa ilulunsad na sariling network

475
Vice Ganda. Instagram/@praybeytbenjamin

Aarangkada na ang sariling digital network ni Vice Ganda, ang Vice Ganda Network, sa Biyernes, Hulyo 24.

Ilan sa mga nakapila nang pakulo ng comedian-host sa channel ay isang 10-episode na sitcom, interactive game show, documentaries at talk show na “Gabing Gabi na Vice.”

Sa ulat ng ABS-CBN News, pinasalamatan ni Vice noong Lunes ang kanyang home network sa pagbibigay ng basbas sa pagtataguyod niya ng naturang proyekto.

INNITY ADS

“Hiningi ko ito ng basbas sa ABS-CBN kaya nagpapasalamat ako, pati sa mga endorsers ko. I am so blessed that I was given the opportunity to work with the best people at ABS-CBN and Viva who shared their wisdom with me,” aniya.

Layunin niyang matulungan ang mga empleyado ng ABS-CBN na apektado ng retrenchment program, matapos pagkaitan ng Kongreso ang media giant ng bagong prangkisa.




“Una naming gustong i-accommodate ‘yung mga nawalan ng trabaho sa ABS-CBN — mga writers, graphic artists and other talents, especially ‘yung mga nakatrabaho ko na noon pa,” ani Vice.

Bukod dito, gusto niya ring maabot ang mga kapwa komedyante na walang pinagkakakitaan dahil sa pandemya.

“I also want to help the stand-up comedians na natengga dahil wala na ang live performances. Ang sakit sa puso ko, hindi ko pwede pabayaan ‘yung mga anak-anakan ko. I want to give them a platform,” saad niya.

Para makapanood sa Vice Ganda Network, magtungo lang sa viceganda.com.ph, kung saan higit 70,000 na ang nakapag-register ngayong Huwebes.