Vice Ganda, ayaw magkaanak ‘dahil malupit ang mundo’

351
Instagram/@praybeytbenjamin

Mas pipiliin pa raw ni Vice Ganda na mag-isa kaysa magkaroon ng anak na makakaranas ng kalupitan ng mundo.

Ibinahagi ito ng comedian-host nitong Lunes sa “It’s Showtime”, matapos makapanayam ang isang contestant ng “Tawag ng Tanghalan” na mayroong same-sex partner at dalawang anak.

Unang pinuri ni Vice ang contestant at iba pang miyembro ng LGBTQ+ community na piniling bumuo ng pamilya.

“Saludo ako dahil hindi ko mawari ang tapang at husay ninyo, kasi ako, hindi ko kaya yun,” aniya.

Nabanggit ni Vice na madalas din siyang tinatanong kung plano niya bang magkaroon ng supling, at ipinaliwanag ang pag-aalinlangan tungkol dito.




“Sabi ko, kung iisipin ko lang ‘yung kakayahan ko, puwede kong sabihin na kaya ko. Pero ayaw ko kasi talagang i-expose ‘yung magiging anak ko sa cruelty ng mundo,” ani Vice.

“Ako, kaya ko ‘yun. Puwede kong sabihin, na handa na ako, kasi napagdaanan ko na ‘yan, kinaya ko na ‘yan. Pero ‘yung bata, hindi ko lubos na maisip ‘yung hirap ng anak ko kapag sinalbahe ng mga salbahe, hindi ba?” dagdag niya.

Iginiit ng host na maiging siya na lang ang mag-isang maghirap, kaysa iyong bata.

“Parang ako na lang. Okay lang kahit mag-isa na lang ako, kahit wala na lang akong anak, basta huwag na lang magdusa ‘yung magiging anak ko kung saka-sakali,” aniya.

Si Vice ay mag-iisang taon nang karelasyon si Ion Perez.