Super Tekla, emosyonal nang muling makausap si Kuya Wil

772
(Screenshot from Wowowin-Tutok To Win YouTube video)

Muling nagkaharap ang Wowowin host Willie Revillame at Super Tekla sa program ng Wowowin-Tutok To Win.

Emosyonal ang naging pagbabalik ni Tekla at nang muling makausap si Kuya Wil kaharap ng isa rin nitong naging co-host na si Donita Nose.

Una nitong inamin kay Kuya Wil ang kanyang pagiging matigas sa pinagdaraanang pagsubok sa bagong silang na anak.

Aniya, malaki ang tiwala niya sa sarili na kaya niyang maresolba ang malaking dagok ng mag-isa.

“And then nung na-realize ko na wala na talaga akong choice, doon na nag-breakdown na ako, sinurrender ko na lahat. Yung time na walang wala ka nang magagawa you have to surrender everything, sabi ko, Tulungan mo ako, sino ang tao na makakatulong sa akin,” kwento ni Tekla.




Dagdag niya, si Kuya Wil ang unang pumasok sa kanyang isip nang humingi siya ng sinyales.

Ngunit dahil nahihiya raw siya ay ipinadaan niya kay Donita Nose ang paghingi ng tulong sa host.

Bagama’t nag-aalangan ay malaki raw ang tiwala niyang tutulungan siya nito.

Kasabay nito, kinuha naman ni Kuya Wil ang oportunidad para muling linawin ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan nila ng komedyante.

“There was a time bina-bash niyo ako pero hindi ako nagsasalita, hindi ako kumikibo. Ganiyan naman si Willie pag ayaw na niya yung co-host iniiwan na niyan, inaalis na. Wala po akong tinanggal na co-host na kasalanan ko,” saad ni Kuya Wil.

Dito ay inamin naman ni Tekla ang kanyang pagkakamali dahil sa pabigla-biglang desisyon at aniya’y parating may kakambal na aral at leksyon.

Sabi naman ni Kuya Wil, wala siyang ibang nais kundi ang umasenso ang lahat ng kanyang hawak gaya ni Tekla at Donita Nose.

“Ang importante yung pagpapakumbaba eh. Nandito ka na, you’re back, at siyempre welcome back Tekla,” sabi nito.

Sa huli ay muli namang sinabi ng host na tutulungan niya ang komedyante na mapagamot ang anak nitong may anorectal malformation o walang butas ang puwet.

PANOORIN: