PANOORIN: Lovely Abella, kumanta ng Ilonggo version ng ‘Bawal Lumabas’ bilang suporta kay Kim Chiu

1576
Lovely Abella and Kim Chiu. Photos: Instagram/@lovelyabella_,@chinitaprincess

Idinaan ni Lovely Abella sa pagkanta ng Ilonggo version ng “Bawal Lumabas” ang pagpapahayag niya ng suporta sa kapwa aktres na si Kim Chiu.

Sa Instagram nitong Lunes, pinuri ng “proud Ilongga” si Chiu sa pagbangon nito sa mga batikos at pakikisabay na lang sa katuwaan na dala ng viral niyang classroom analogy.

“Ako nga po pala yung CLASSMATE mong Ilongga, @chinitaprincess. Nung naglabas ka na ng statement tsaka ko na naisip na ipost ko na to, di biro ang pinagdaanan mo at alam namin yun pero ngayon Ga, super trending ka at nakakaproud na nakakapagbiro at nakakatawa ka na,” sabi ni Abella sa post.

Sinalin at inawit ng aktres ang chorus ng “Bawal Lumabas” na nilagyan niya rin ng Tagalog subtitles sa video.




“Super hilig ko before pa itranslate ang mga kanta sa dialect namin, PROUD ILONGGA talaga ako.. pero wala akong pinost ni isa, paano di kagandahan ang boses ko, pero hetong CLASSROOM ang pinush ko sa tulong ni Bea Ilagan,” dagdag niya pa.

Nitong Linggo lang nang ilabas ni Chiu ang full version ng “Bawal Lumabas: The Classroom Song” bilang patunay na naka-move on na siya mula sa pang-iinsulto ng bashers sa naging pahayag niya sa #LabanKapamilya online protest.