
Pagkakaisa, pang-unawa, at pagmamahal ang hiling ni Karla Estrada na pairailin ng bawat isa ngayong kinahaharap ang COVID-19 pandemic.
Sa Instagram post ng “Magandang Buhay” host, hinikayat niya ang kanyang followers na huwag mag-atubiling tumulong sa kapwa.
“Huwag manghinayang sa pera na itutulong dahil kikitain mo rin yan. Pero ang buhay na pwedeng mawala dahil sa gutom ay hindi na maibabalik,” sabi niya.
Aniya, bago pangibabawin ang kasakiman, isipin muna ang sitwasyon ng health workers, at iba pang frontliners sa bansa.
“Kaya kaibigan, tama na ang kasakiman at pagiging makasarili dahil one day, babawiin lahat ng Diyos sa’yo lahat ng mga blessings na ‘yan kapag ‘di ka marunong umunawa at mag-share sa kapwa,” payo ng aktres.
“Life is so short. Sa dulo ng buhay natin, hindi ipagmamalaki ng mga tao kung ano mang material na bagay ang meron tayo kungdi ang kung paano ka nakitungo sa kapwa mo,” dagdag niya pa.
“Tulong-tulong na tayo at iisang bansa lang ang ating ginagalawan. Pag-unawa at pagmamahal ang higit na kailangan ng bawat isa ngayon. At kung wala ka man ngayon, padarasal ang higit na kailangan ng lahat!”