
“Mag-invest sa sarili.”
Ito ang payo at kasalukuyang ginagawa ni Neri Naig na nakatakdang sumabak sa Harvard Business School Online.
Ibinahagi ng aktres sa Instagram nitong Linggo ang natanggap niyang acceptance letter mula sa institusyon.
Batay sa email, kinuha ni Naig ang kursong “Entrepreneurship Essentials” na magsisimula sa September 2.
“Sobrang saya ko na, na alam ko na pasok ako. Ang next ay sakit sa bulsa tapos sakit sa brain naman!” saad niya sa post.
Ipinagmalaki rin ni Naig ang ugali niya na ‘pag may ginustong bagay ay ginagawan ng paraan.
Aniya, “Walang excuses dapat. Paano ko malalaman kung para sa akin kung hindi ko susubukan, ‘di ba?”
Pinayuhan niya rin ang publiko na sikaping matuto ng mga bagong bagay sa araw-araw.
“Everyday dapat naghahanap tayo ng mga paraan para mas matuto pa. Mag-invest ka sa sarili mo. Tandaan, hindi pa huli ang lahat. Kahit anong edad mo pa,” sabi niya.
Sa sumunod na post naman, ipinaalam niya rin na may isa pa siyang dinadaluhang klase sa ibang online course.
“Aral lang nang aral habang maraming time. At pagtrabahuan ang tuition. Mag-online selling at siguradong makapag-ipon ka pang-aral,” payo niya naman.
Hindi na bago sa pagnenegosyo si Naig, na nagtaguyod ng Neri’s Not So Secret Garden sa Tagaytay at ang Neri’s Gourmet Tuyo.