Marcelito Pomoy, inaming sumakit ang dibdib bago kumanta sa semi-finals ng America’s Got Talent: The Champions

4131
(Screenshot of the video from YouTube)

Inamin ng Kapamilya singer at ngayo’y grand finalist ng America’s Got Talent: The Champions Marcelito Pomoy na sumakit ang kanyang dibdib bago sumalang sa stage noong semi-finals ng show.

Sa panayam kay Marcelito kahapon, Huwebes, Pebrero 6, ibinahagi niya ang naging kalagayan bago siya tumuntong sa entablado.

“Actually doon pa lang talaga sa wardrobe… hindi na talaga ako makatayo. Hindi ko alam kung anong nangyari sa dibdib ko. Sobrang sakit talaga. Sinabi ko sa asawa ko na hindi ako makagalaw. Unti-unti kong ginalaw pero masakit talaga,” aniya.

INNITY ADS

Humingi raw sila ng tulong sa medic ng show kung saan binigyan daw siya ng gamot at pinag-BP.

“Masyado silang strict. Kung sa heart daw mismo, kailangan na itawag ng 911. Kaya kinabahan ako,” kwento niya.




Sabi ni Marcelito, nakaapekto raw sa kanya ang nangyari noong mismong gabi ng kanyang pagkanta.

“Siyempre hindi ko naman puwedeng ibirit agad. Baka may mangyari. Alalay lang ako sa sarili ko. Nakabirit pa rin naman,” dagdag niya.

Samantala, sa ngayon ay pinag-iisipan niya kung ano ang kantang gagamitin sa grand finals ng show lalo pa’t hinamon siya ni judge Simon Cowell nang muli silang mapabilib sa kanyang performance.

“Kung ano lang talaga ang mayroon ako, ibubuga ko na lang. Kung hanggang saan ang makakaya ko, iyon ang ibibigay ko,” saad niya.

Maalalang isa si Marcelito sa anim na nakapasok sa grand finals matapos kantahin ang awit na ‘Con Te Partiro’ ni Andrea Bocelli kung saan muli siyang nakatanggap ng standing ovation mula sa mga hurado.