Kim Chiu, nag-sorry sa nakalilitong ‘batas sa classroom’ analogy

18315
Screenshot from Facebook Live "Laban Kapamilya"

Humingi ng pasensya si Kim Chiu sa tangka niyang pagkukumpara sa sistema ng classroom at sa usapin ng tigil-ere ng ABS-CBN alinsunod sa cease-and-desist order ng National Telecommunications Commission.

Sinabi ng aktres ang nakalilitong analogy sa Facebook Live session noong Biyernes, kasama ang iba pang Kapamilya stars na tumuligsa sa network shutdown.

Aniya, “Sa classroom may batas, bawal lumabas, oh bawal lumabas. Pero ‘pag sinabi, ‘pag nag-comply ka na bawal na lumabas pero may ginawa ka sa pinagbabawal nila, inayos mo ‘yong law ng classroom niyo at sinumbit mo ulit ay pwede na pala ikaw lumabas.”

INNITY ADS

Matapos mag-viral ang naturang pahayag, nagbiro ang aktres na hindi niya rin daw naintindihan ang sarili.

Humingi siya ng paumanhin sa Instagram noong Sabado at sinabing nadala lamang siya ng emosyon.




“Sa sinabi tungkol sa ‘classroom,’ nung binasa ko, hindi ko din naintindihan. Haha! Pareho lang tayo!” sabi niya.

“Parang pagpapasara lang ng NTC sa ABS, ‘di maintindihan. Okay po. Sensya na! Nadala lang ng bugso ng damdamin. Sa dami ng sinabi ko ‘yun lang talaga ang napansin niyo?” hirit niya pa.

Sa naturang Facebook Live, inalala ni Chiu kung paano binago ng home network ang kanyang buhay at tinupad ang pangarap niya sa pamamagitan ng reality show na Pinoy Big Brother.

Binanggit niya rin kung paano nagiging daan ang ABS-CBN sa mga ordinaryong tao na tuparin ang pangarap nila at makatulong sa pamilya.

Panawagan ng aktres sa NTC, “Dumudulog kami sa inyo na sana bawiin ninyo na iyong cease and desist order. Sana hayaan niyo na kaming mamahayag. Sana ibalik ninyo na ang ABS-CBN.”