Kiko Pangilinan, may ‘Crash Landing on You’-inspired anniversary surprise kay Sharon Cuneta

558
Instagram/@reallysharoncuneta

Pinakilig ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang misis na si Sharon Cuneta sa kanyang Korean drama-inspired na greeting para sa kanilang 24th wedding anniversary nitong Martes.

Sa collage na ipinost ng senador sa Twitter, nagmistulan silang bida ng sikat na K-drama series na “Crash Landing on You,” na paborito ngayon ni Megastar.

Tinawag pa ni Pangilinan ang kanyang sarili na “Captain Ki”, kapalit ng leading man na si Ri Jeong-hyuk; habang si Cuneta naman si “Sha-ri”, na pumalit kay Yoon Se-ri.

INNITY ADS

Ikinatuwa naman ito ng megastar na ini-repost pa sa kanyang Instagram ang collage na ginawa ng senador.

“Itong asawa ko alam niya si Hyun Bin ang labs ko ngayon kaya sa aming 24th wedding anniversary eto ang message niya sa akin!” sabi niya sa post.




Bukod sa “CLOY”-inspired collage, nadali rin ni Pangilinan ang “pinakagustong bulaklak” ni Cuneta — ang chicharon bulaklak.

“Sabi ko, ANG SAYA-SAYA KO! PINAKAGUSTO KONG BULAKLAK ITO SA LAHAT NG BULAKLAK NA BINIGAY NIYA SA AKIN! Every year ito na lang sana!” aniya.

Noong 1996 nang ikasal si Pangilinan at Cuneta na may dalawang anak, Frankie at Miel, at adopted son na si Miguel.