Gloc-9 sa nagsabing ‘di bagay sa kanya mag-online selling: ‘Walang dapat ikahiya’

196
Instagram/@glocdash9

“Walang masama at walang dapat ikahiya.”

Ito ang turan ni Gloc-9 nang mapuna sa pagpasok niya sa online selling na naging takbuhan ng maraming Pilipino at maging ng mga sikat na personalidad ngayong pandemya.

Sa Facebook nitong Huwebes, ibinahagi ng rap icon na isa niyang fan ang nagsabing hindi raw bagay sa kanya ang pagbebenta.

“Idol bakit ka nag bebenta ng kung ano ano? Hindi bagay sayo,” sabi raw ng fan.

“Sabi ko sa kanya. Tol wala namang masama siguro doon diba? At alam mo ba na kasama sa trabaho ko noon bago ako mag rap ay mag linis ng basurahan, Kubeta at kanal?” tugon niya.




Iginiit pa ng rapper na walang dapat ikahiya sa online selling, o anumang trabaho basta’t marangal, lalo na sa panahon ngayon.

“Tandaan nyo mga Kababayan iba na ang panahon natin ngayon. Kailangan nating lumaban para mabuhay para sa mga mahal natin. Wala kang dapat ikahiya kung ang trabaho mo ay marangal at wala kang tinatapakang kapwa mo. Kaya natin ito! APIR!!!” sabi niya.

Sa Instagram inilalagay ni Gloc-19 ang mga ibinebenta niyang official merch, pati na lutong ulam tulad ng fried chicken at dinuguan.

Kasabay ng negosyo, patuloy pa rin namang gumagawa ng awitin ang rapper.

Katunayan, inilabas niya noong nakaraang linggo ang kantang “Ahon” kasama ang singer na si Bugoy Drilon.