‘Ganyan din kami ni Jinkee noon’: Manny Pacquiao, may marriage advice kay Matteo Guidicelli

1123
Photos: Instagram

Nagbigay ng payo si Sen. Manny Pacquiao kay Matteo Guidicelli na kamakailan lang ay kinasal kay Sarah Geronimo sa kabila ng pagtutol ng magulang ng singer.

Sa Facebook Live ng “One Voice Pilipinas” noong Linggo, sinabi ng senador na nagdaan din sila ng asawang si Jinkee sa parehong sitwasyon.

“What happened to you now, that’s my experience. It happened to us ni Jinkee before. Nagpakasal kami wala ‘yung magulang ko kasi ayaw niya kay Jinkee,” sabi ni Pacquiao.

INNITY ADS

Kuwento pa niya, mga magulang at kaanak lang ni Jinkee ang dumalo sa kanilang kasal, habang siya ay kapatid lang ang kasama.

Katagalan, natutunan din naman daw ng nanay ni Pacquiao na mahalin si Jinkee at kanilang pamilya.




“Later on, nung nakita na niyang masaya kami at nagkaroon na siya ng apo, unti-unti niyang naintindihan na kailangan pala suportahan ang anak para maging masaya,” aniya.

“Nakita niya na masaya ang pamilya namin at tinutulungan namin siya kahit na hindi kami sinipot or nagagalit siya sa amin,” dagdag pa niya.

Sa puntong ito, iginiit ng senador na sa kabila ng pagtutol noon, hindi niya kinamuhian ang kanyang magulang.

“’Di ko naman sinasabi na mama’s boy ako — that’s our responsibility, we should love our parents,” paalala niya sa aktor.

Matapos sumang-ayon sa lahat ng sinabi ng senador, nagbahagi naman si Guidicelli ng mga bagay na napagtanto niya sa gitna ng krisis.

“Sa mga panahon na ito ba, it makes us realize how precious life is, how precious relationships are, how precious everything is,” saad ng aktor.

“‘Yung mga single relationship natin sa mama, papa, kapatid natin, importante sabihin ‘Ma, Pa, I love you. Salamat sa iyo sa tanan,'” pagpapatuloy niya.

Sa huli, sinabi ni Pacquiao na mahalaga sa buhay may-asawa ang teamwork at hindi pagpapairal ng pride.

Nabanggit din niyang aminado siya na ang 22 taong pagsasama nila ni Jinkee ay tila 50 taon dahil sa mga pagsubok na pinagdaanan nila.