Buntis na tinanggalan ng bubong ng landlady, tinulungan ni Willie Revillame

7341
LEFT: Courtesy Czaira Cheng | RIGHT: Video from Wowowin - GMA 7

Agad tinulungan ng TV host na si Willie Revillame ang isang buntis na tinanggalan ng bubong at pintuan ng kaniyang kasera dahil hindi makapagbayad ng dalawang buwang renta.

Mabilis nag-viral sa social media ang sitwasyon ni Princess Remureran matapos itong i-upload ng netizen na si Czaira Cheng noong Biyernes.

Ayon kay Remureran, residente ng Barangay 167 sa Caloocan City, nabigo siyang magbayad sa landlady na si Tessie Banico dahil nawalan ng trabaho ang mister at na-stranded ito dulot ng ipinatupad na lockdown.

INNITY ADS

Kaya naman nitong Lunes, sa programang “Tutok To Win,” tinawagan ni Revillame ang buntis upang ipaalam na babayaran niya ang anim na buwang upa nito.

Sasagutin din ng Kapuso celebrity ang renta ng isa pa niyang kapitbahay na inalisan din ng bubong na kinilalang si Glenda Malvas.




Maliban dito, bibigyan sina Remureran at Malvas ng tig-P10,000, mga delatang pagkain, at dalawang sakong bigas.

“Hulog ito ng langit sa inyo. Kung hindi binuksan yung bubong mo, hindi ka makikita at di namin malalaman ang nangyari,” ani Revillame.

Maging ang uploader ng video ay tatanggap ng P20,000 mula sa personalidad.

Hiling naman ni Kuya Wil, huwag na sanang magalit ang mga tenant sa may-ari ng inuupahang bahay.

“Siyempre intindihin din natin na may pangangailangan din sila,” paliwanag ng premyadong TV host.