‘Bilyonaryo ako’: Sharon Cuneta, sinagot ang netizen na nag-akusang ibubulsa niya ang nalikom na P2M donasyon

3479
Instagram/@reallysharoncuneta

Sinumbatan ni Sharon Cuneta ang isang netizen na pinaratangan siyang ibubulsa ang higit P2 milyong donasyon mula sa kanyang online concert.

Sa Instagram post ng Megastar nitong Martes kung saan ipinakita niya ang breakdown ng nalikom sa fundraising event noong Mother’s Day, tinanong ng netizen kung mapupunta ba ang pera sa bank account ng singer.

INNITY ADS

Tugon dito ni Cuneta, “No, thank you. I’m a billionaire I don’t need to take money from anyone. But I do help. DO YOU?”

Sumagot din sa basher ang isang fan na nagsabing “milyonarya” na ang megastar kaya hindi niya na kailangang gawin ang ipinaparatang sa kanya.




Paglilinaw ni Cuneta, hindi siya milyonaryo, kundi “BILyonarya since my thirties.”

Pinatutsadahan niya rin ang mga “judgemental” at sinabing nakapag-donate na siya ng higit P5 milyon mula sa sarili niyang bulsa ngayong krisis.

Nagpahayag din ang singer-actress ng pagkadismaya sa mga taong minamasama ang ginagawa ng iba na pagtulong.

Aniya, “Nakakalungkot ang mga minamasama ang pagtulong sa kapwa na galing sa puso. Sabagay ang importante lang naman, ang Diyos ang may alam and the people who really matter to me like you.”

 

Mapupunta ang donasyon sa Mother’s Day special concert ni Cuneta sa “Pantawid ng Pag-ibig” program ng ABS-CBN na layong mamahagi ng pagkain sa mga nawalan ng kabuhayan sa umiiral na community quarantine.