Angeline Quinto, nagkuwento tungkol sa pagiging deboto ng Nazareno

181
INSTAGRAM/Angeline Quinto (@loveangelinequinto)

Isa sa mga personalidad na kilala bilang deboto ng Itim na Nazareno sa Quiapo ay ang singer na si Angeline Quinto.

Sa edad na 8-anyos ay nagsimula na ang debosyon ng 30-anyos na singer dahil sa kanyang Mama Bob.

“Bata pa lang ako, lagi akong isinasama ng mama sa prusisyon po iyon. Iyon yung nakapaa kami, bata pa lang ako,” kuwento ni Quinto sa presscon ng pre-Valentine concert na “Voices for Love”, nitong Enero 7 sa Quezon City.

INNITY ADS

Mula nang tumigil na sa pagsama sa prusisyon ang kanyang nanay dala ng katandaan, sinimulan ng singer ang pagsampa sa andas.

Bagaman mayroong mga tumutulong sa kanya sa pagsampa, hindi raw nawawala ang kaba taun-taon.




Dahil naging panata na, sinisiguro ni Quinto na wala siyang trabaho tuwing Enero 8, na kaarawan din ng kanyang ina, at Enero 9 na Pista ng Poong Nazareno.

Nabanggit ng singer na mayroong inalok sa kanya noong four-city concert tour sa Amerika na nagsimula buwan ng Disyembre at Enero 11 dapat ang tapos.

Tinanggihan niya ang huling set ng tour para masigurong makauuwi siya sa Pilipinas ng Enero 8.

Sa ngayon, gawi na ni Quinto tuwing Pista ang pagpunta sa Quiapo nang 9 ng gabi para dumalo ng misa.

“So, before ibalik iyong Mahal na Poon sa simbahan, nakapagmisa na ako noon. Tapos, tatambay na kami sa ilalim, sa may Quinta Market,” aniya.

Ito rin ang araw na nakakasama niya ang mga kaibigan at kababata mula sa Sampaloc, Manila.

Pero ano pa nga bang hiling ng singer sa Nazareno?

Dalangin daw ng singer ang mahabang buhay para sa kanyang nanay at ibang kamag-anak, at regular na trabaho naman para sa kanyang sarili.

Pagdating naman sa lovelife, minsanan at kung kailan lang daw maisipan ang paghiling niya rito kaya biro niya, “kaya siguro hindi naibibigay.”