Mag-asawang kasal ng 70 taon, pumanaw sa parehong araw

631
(Legacy.com)

JACKSON, Michigan – Itinuturing na ‘romantic’ ang pagkamatay ng mag-asawa dahil sa loob ng ilang dekadang pagsasama, 20 minuto lamang ang naging pagitan ng kanilang pagpanaw.

Sa parehong ospital at magkatabing higaan, magkahawak-kamay na nalagutan ng hininga si Les at Freda Austin nito lamang Sabado, Disyembre 14, sa edad na 90.

Ayon sa pinagsamang obitwaryo ng mag-asawa, parehong mahilig sa paglalakbay ang dalawa at magkasama nilang ginagawa ang lahat sa loob ng 70 taon.

INNITY ADS

“Together Les and Freda enjoyed traveling and camping throughout Michigan and focused their travels on lighthouse locations and the Upper Peninsula,” saad ng obitwaryo.

Sa kwento ng kanilang anak na si Sandy Maes, hindi umano nila napaghihiwalay ang kanyang mga magulang.




“They did everything together. They didn’t stop with death,” aniya.

Masarap daw isipin na hanggang sa paglisan ay magkasama ang kanyang ama’t ina.

Isinalaysay naman ng anak nilang lalaki na si Michael Austin na bumagsak ang ulo ng kanyang mga magulang sa direksyon ng isa’t isa nang sila ay bawian ng buhay.

Unang nalagutan ng hininga ang kanyang ama, at pagkalipas ng ilang minuto ay sumunod na rin ang kanyang ina.

“If they had to go, this way was about as romantic as you could get,” saad niya.

Kung sakali naman raw na may maiiwang mag-isa sa dalawa, maituturing nila itong torture ayon kay Leah Smith, isa sa kanilang mga apo.

“Seventy years together sure isn’t easy … but at the end of those 70 years together, they still cared so deeply for each other and loved each other so, so very much,” kwento niya.

Nakaraang buwan lamang nang ipagdiwang ni Les at Freda ang kanilang 70th wedding anniversary.

Ikinasal taong 1949 ang dalawa matapos magkakilala noong high school dahil sa isang kaibigan kung saan nagsimula ang kanilang love story.

Isang US Air Force veteran si Les na nagretiro matapos ang 40 taong paninilbihan sa Michigan State Police samantalang nagtrabaho naman bilang manager sa isang cleaning company sa Jackson si Freda.

Sa kanilang paglisan, naiwan nila ang kanilang dalawang anak, apat na apo, at walong apo sa tuhod.