OFW sa Saudi Arabia na nagpositibo sa COVID-19, nawalan ng hanapbuhay tinulungan ng kapwa Pinoy

238

Malaki ang pasasalamat ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Saudi Arabia matapos tulungan ng kapwa OFW nang magpositibo siya sa COVID-19.

Sa ulat ng GMA News, kasabay nang pagka-positibo sa coronavirus ay ang kawalan ng hanapbuhay ng OFW na si “James” kaya naging pahirapan umano ang pagkain at gamot.

Tinigil daw kasi ang operasyon ng pinagtatrabahuan nitong restawran simula nang makaramdam siya ng sintomas ng COVID-19.

INNITY ADS

Nang magkaroon daw ng random swab test sa kanilang kumpanya, dito na siya nagpositibo sa sakit at agad idinala sa isolation area.

Nanghingi ng tulong ang pinsan ni James sa group chat ng Filipino community dahil ubos na umano ang pera nito at wala na ring makuhang tulong mula sa kanyang employer.




Hanggang sa isang iglap ay nakarating daw sa Filipina nurse na si Ellen Salcedo ang kalagayan ni James kaya agad umano itong nagtungo sa kanilang tinutuluyan.

Naghatid daw ito ng pagkain at gamot kasama ang kanyang asawa na labis daw ikinagalak ng naturang OFW.

Naging emosyonal umano si James dahil sa magkahalong lungkot at tuwa na sa kabila ng kanyang sakit ay may mga kababayan pa ring handa umanong tumulong.

Nagviral pa ang ginawang kabutihan ni Salcedo sa Saudi Arabia.

Hindi rin dito natapos ang kanyang tulong dahil tumugon din daw sila sa iba pang humingi ng tulong matapos siyang magviral.

Sa huli ay pasasalamat naman ang ibinigay ni James sa mag-asawa– na aniya’y balang araw ay personal niya raw maipapasalamat sa kanila.