
Lumikha ng kasaysayan ang pelikulang “Hello, Love, Goodbye” nina Alden Richards at Kathryn Bernardo bilang kauna-unahang pelikulang Pinoy na ipapalabas sa Jeddah, Kingdom of Saudi Arabia.
Inihayag ng Star Cinema at The Filipino Channel (TFC) ang magandang balita sa kanilang Instagram accounts nitong Lunes.
View this post on Instagram
Ayon sa IG post ng TFC, “Para sa inyo po ito, mga Kabayan namin sa Jeddah! Tapos na ang paghihintay ninyo! Sa wakas, isang pelikulang Pilipino ay mapapanood na natin!”
Matutunghayan ng mga OFW sa nasabing lugar ang “Hello, Love, Goodbye” sa darating na Huwebes, Agosto 8.
Bukod sa Jeddah, mapapanood rin ito sa ilang sinehan sa Hong Kong, Malaysia, Singapore, Taiwan, Cambodia, Vietnam at South Korea.
Sa ngayon, pumalo na sa mahigit P319 million ang kinita ng pelikula at itinuturing na isa sa top-grossing local films ng 2019.
Umiikot ang storya sa buhay ng overseas Filipino workers na sina “Ethan” (Richards) at “Joy” (Bernardo).