Vice Ganda, nag-donate ng medical supplies sa ilang ospital laban sa COVID-19

1466
PHOTOS: Instagram/@praybeytbenjamin

Nagpaabot ng tulong si Vice Ganda sa ilang ospital na nangangailangan ng medical supplies upang mapaigting ang paglaban sa COVID-19.

Namahagi ang comedian-host ng kahon-kahong N95 masks, disposable medical gloves, safety goggles, alcohol, at disinfectant spray, base sa kanyang Instagram post noong Marso 20.

Nakarating ang supplies sa Lung Center of the Philippines, Quezon City General Hospital, San Lazaro Hospital at Philippine Children’s Medical Center.

Kalakip ng mga kahon ang mensahe ng pasasalamat ni Vice para sa frontline health workers na kumakalingan sa mga tinamaan ng coronavirus.

“Maraming maraming salamat po sa pagmamahal, at pag-aalaga ninyo sa ating mga madlang people. Mabuhay po kayong lahat! God bless you!” saad sa sulat.




Bago ito, nanawagan na ang komedyante sa publiko sa isang Twitter post na bigyang pagkilala ang mga ginagawa ng frontliners sa gitna ng pandemic.

Ani Vice, “Let us all appreciate the efforts ang dedication of our health workers. Pagsaludo at pasasalamat sa lahat ng mga doktor, nurses, mga hospital staff at lahat ng nasa medical field na sinusuong ang peligro para sa ngalan ng serbisyo. God bless you all!”