
Kanya-kanyang pamamaraan ang ginagawa ng ilang sikat na personalidad upang makatulong sa mga biktima ng pag-alboroto ng bulkang Taal.
Umakyat na sa higit 30,000 ang bilang ng evacuees sa Batangas at Cavite simula nang sumabog ang bulkan noong Linggo.
Nagsimula na ang binansagang real-life Darna na si Angel Locsin na magtanong sa social media tungkol sa pangangailangan ng mga apektadong pamilya.
Anyone here na may na-conduct na assessment kung anong mga kailangan, anu-anong baranggays at ilang families per baranggay? Thank you #Taal
— Angel Locsin (@143redangel) January 13, 2020
Nag-post din ang aktres ng impormasyon ng mga maaaring pagdalhan ng donasyon, pati na rin tulong sa mga hayop.
Si Matteo Guidicelli naman, kasama ang ilan mula sa Philippine Army, ay nagtungo sa Sto. Tomas, Batangas para mamahagi ng relief goods na nalikom sa isang supermarket.
Naging katuwang naman ni Jennica Garcia ang Alliance Search and Rescue Medical Team sa pamimigay ng tulong sa halos 400 pamilya sa Barangay Neogan.
Charity bazaar naman ang inorganisa ni Karla Estrada, kung saan mapupunta sa evacuees ang kikitain.
Nangangalap din ng donasyon ang Yes Pinoy Foundation na itinatag ni Dingdong Dantes.
Nakuhanan naman sina Melai Cantiveros at Jason Francisco na nagbabalot ng mga damit at canned goods.
Dance Flash Mob for a Cause naman ang inihanda ng mga tagahanga ni Sarah Geronimo.
Nakatakda ang “Tala Para sa Taal” sa Enero 18, sa Luneta Park.
Magsisilbing donasyon ng Popsters ang P100 na registration fee.