Street dweller, ibinigay sa simbahan ang P3,000 nalikom sa panlilimos

1640

Umantig sa puso ng mga netizen ang kuwento ng isang street dweller sa Mandaluyong City na ibinigay ang perang naipon sa isang simbahan ng siyudad na aniya para makatulong sa mga nangangailangan.

Ang nakatutuwang eksena, ibinahagi ng San Felipe Neri Parish sa kanilang Facebook page.

Kuwento ni Fr. Hanz Magdurulang, nagtungo sa simbahan ang lalaking nagngangalang Francisco Lopez noong Abril 21 na inakala nilang hihingi ng ayuda.

INNITY ADS

Subalit nagulat daw silang nang iabot ni Tatay Francisco ang perang nakapulupot na umaabot sa halagang P3,000.

Sinubukan daw ni Fr. Hans na ibalik ang salaping ibinigay ng street dweller pero mariin ang pagtanggi nito.




Nais daw ng good samaritan na i-donate sa simbahan ang perang kinita niya sa panlilimos sa lansangan.

Para masuklian ang kabaitan ni Tatay Francisco, binigyan siya nina Fr. Hans ng pagkain at ayudang ipinamamahagi nila sa mga apektado ng enhanced community quarantine.

“Nakalulugod makita ang isang taong halos walang-wala rin at higit na nangangailangan pero mas piniling ibahagi ang natitirang meron siya para sa Simbahan. Tunay ngang muling nabuhay ang Diyos at nabubuhay siya sa ating lahat,” post ng San Felipe Neri Parish na umani ng 8,000 positive reactions.