
Nasa 200 magnobyo ang nag-isang dibdib sa kasalang bayan na ginanap noong Huwebes sa Bacolod, sa kabila ng banta ng coronavirus.
Bagaman wala pang naitalang kaso ng COVID-19 sa naturang lugar, nagsuot pa rin ng face mask ang mga dumalo sa mass wedding sa Bacolod City Government Center bilang pag-iingat.
Inatasan din ng City Health Office (CHO) ang bawat isa na ideklara sa isang forma ng lagay ng kanilang kalusugan at mga pinuntahang lugar sa nakalipas na 14 araw.
Pinangasiwaan ni Mayor Evelio Leonardia ang seremonyang tinawag na “Kasalan ng Bayan: 220 on 02-20-2020”.
Layon umano ng administrasyon ang tumulong sa pagbuo at pagpapatibay ng mga pamilya.
Katuwang ng lokal na pamahalaan dito sina Rep. Greg Gasataya, Vice Mayor El Cid Familiaran, at Councilor Al Victor Espino.
Taunang ginagawa ng pamunuan ni Leonardia ang kasalang bayan na parte ng tradisyunal na post-Valentine’s treat para sa mga taga-Bacolod.