Inihaw na daga, mabentang exotic food sa Cambodia

1469
Image via AFP

Kinahuhumalingan ngayon ng ilang locals at maging mga turista ang isang kakaiba at exotic na street food sa bayan ng Battambang, sa bansang Cambodia.

Sa ulat ng Agence-France Presse nitong Huwebes, sinabing patok ngayon sa mga indibidwal roon ang pagkain ng inihaw na daga.

Galing umano sa mga bukirin ang dagang ibinebenta at mabibili sa halagang $0.25 hanggang $1.25, depende sa laki at taba ng nasabing hayop.

INNITY ADS

Kuwento ng ilang residente, nakagisnan itong kainin mula pa dekada ’70, sa ilalim ng Khmer Rouge. Maliban sa daga, inuulam rin noon ang mga palaka, higanteng gagamba, o tarantula o anuman uri ng maliliit na hayop para mairaos ang nararamdamang gutom.

Samantala, pinagtatalunan ng mga parokyano doon kung ano ba talaga ang lasa ng inihaw na daga.




Ayon sa isang Cambodian national, maikukumpara ito sa lasa ng manok o baka.

Para naman sa isang dayuhan, tila nakakain na siya ng karne ng baboy dahil sa naturang putahe.

Inilahad ng tinderang si Ma Lis na nakauubos siya ng 20 kilo ng daga kada araw at tuwing sasapit ang bagong taon at water festival, 180 na malalaking daga ang kaniyang nabebenta sa loob lamang ng isang araw.

“These rats are healthier than pork and chicken… they eat lotus roots and rice grains,” pahayag niya habang nag-iihaw ng daga.

Sa kabila ng pagiging mabenta, marami pa ding nandidiring tikman ito.

“They feel it is disgusting,” sambit ni Lis.