FB group na ‘Doctors Online Consultation for Filipinos’, may alok na libreng check-up

2714

Lumikha ng Facebook group na nag-aalok ng libreng konsultasyon ang isang grupo ng mga manggagamot para sa mga kababayang nangangamba sa kani-kanilang kalusugan.

Sa pangunguna ni Dr. Khristian Santos, inilunsad ang “Doctors Online Consultation for Filipinos” sa naturang social media noong Marso 20.

Ayon kay Santos, bumuo sila ng telemedicine upang mabigyan ng atensyong medikal ang mga pasyenteng hindi makapunta sa pagamutan bunsod ng ipinatupad na enhanced community quarantine laban sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Layunin din ng grupo na mapagaan ang trabaho ng mga kasamahan na naka-focus ngayon sa lumalalang pandemic.

“Hindi kami kabilang at hindi sumasailalim sa kahit anong institusyon, ospital, o paaralan. Lahat po ng konsultasyon ay LIBRE at wala po kaming hinahanap o hinihingi na kahit anong kapalit. Ito po ay isang bayanihan sa panahon ng krisis sa ating bansa at sa buong mundo,” saad ng doktor.

Bago makasali sa Facebook group, dadaan muna sa masusing screening ang mga netizen para rin maprotektahan ang kanilang pribadong impormasyon.

Kapag nasagot na ang concern ng isang pasyente, agad tatanggalin ng moderator ang post nito.

Nasa 4,500 ang miyembro ng “Doctors Online Consultation for Filipinos” kung saan 100 sa kanila ay pawang mga doktor.

Sa mga nais sumali, bisitahin ang kanilang official Facebook page at basahin maigi ang panuntunan ng grupo.