Bela Padilla, namahagi ng donasyon matapos makalikom ng P3-M

1259
PHOTOS: IG/@bela

Namigay ang aktres na si Bela Padilla ng grocery supplies sa mga lubos na nangangailan sa iba’t-ibang lungsod sa Metro Manila, katulong ang Philippine Army nitong Huwebes, Marso 19.

Ito’y bunga ng sinimulan niyang fundraising — na nakalikom ng P3.3 milyon — sa kagustuhang makatulong sa mga street vendor at iba pang manggagawang apektado sa umiiral ngayong enhanced community quarantine.

(BASAHIN: Bela Padilla, nangangalap ng P1-M para sa street vendors na apektado ng community quarantine)

Base sa Instagram stories ng aktres, anim na oras ang ginugol ng kanilang team, na hinati sa tatlo, sa pag-iikot sa buong metro upang maisakutaparan ang pangako niyang hahatiin ang donasyon sa 16 siyudad.

Pinamahagian din ng aktres ang mga uniformed personnel na nagbabantay sa mga checkpoint.




“The reason I started this cause is because I’m too emphatic. I haven’t been sleeping right since I saw the vendors five or six days ago,” kuwento ni Padilla kinabukasan, Biyernes.

“My heart is so full after yesterday but is also broken, even just for today,” aniya pa.

Dahil nabuhayan ng loob sa magandang resulta, bukas daw ang aktres sa muling pagsasagawa ng donation drive.

Hinikayat niya rin ang kanyang followers na makilahok sa iba pang gumugulong na fundraising para sa mga nasa laylayan.

Nanawagan din si Padilla sa local government units na ipabatid sa mga nasasakupan ang kinahaharap na COVID-19 pandemic, lalo na’t may ilan pa rin aniyang hindi sumusunod sa payo na mag-home quarantine.