‘Ang pag-ibig ko’y laging sa’yo’: Lolo hinangaan sa pagbili ng damit para sa misis

121
Courtesy Janina Ulanday

Kahit maputi na ang buhok, pinatunayan ng isang lolo sa Olongapo City na ang pag-ibig niya ay laging nasa pinakamamahal na asawa.

Kinilig ang maraming netizen sa nasaksihang tagpo ni Janina Ulanday habang namimili ng damit sa isang tindahan ng ukay-ukay.

Kuwento ng uploader, pumukaw sa atensyon niya ang isang matandang lalaki na naghahanap ng kasuotan sa women’s section.

INNITY ADS

Bagaman nakayuko na dahil sa edad, matiyagang pumipili ng damit si Tatay Gaspar na aniya’y ireregalo sa kaniyang misis para may pang-alis ito.

Nagpasalamat rin ang matandang lalaki sa pagtulong ni Janina upang makapili ng kasuotang babagay sa kabiyak.




 

“Totoo ngang panahon lang ang lilipas, madadagdagan ang edad, kukulubot ang balat pero ang pusong nagmamahal ng tunay hindi makakalimot, hindi tatanda, makakaalala kahit ang mata hindi na makakilala,” mensahe ng dalaga sa ngayo’y viral na Facebook post.

Umani ng mahigit 130,000 likes, 77,000 shares at libu-libong positibong reaksyon mula sa netizens ang nakaaantig na eksena ni Tatay Gaspar.