4-day work week para maibsan ang trapiko, isinusulong sa Kongreso

53
File photo

Inihain sa Mababang Kapulungan ang pagpapatupad ng four-day work week scheme para masolusyunan ang tumintinding trapiko sa EDSA at ibang panig ng Metro Manila.

Layunin ng House Bill 1904 na maibsan ang dami ng sasakyang bumabiyahe sa mga pangunahing lansangan sa buong rehiyon.

Pahayag ni Baguio City Congressman Mark Go, may-akda ng isinusulong batas, malaking tulong ito sa mga employer at kanilang mga manggagawa.

INNITY ADS

“Nagtatrabaho ang mga empleyado ng six days a week, pero yung Compressed Work Week ay gagawing four days lang para maibsan yung traffic lalong-lalo na diyan sa EDSA,” tugon ni Go sa isang panayam ng radio station.

“Can you imagine now you are working six days, gagawing four days? Longer hours, shorter ang week. Ito ay isang approach dito,” giit pa nito.




Ayon sa mambabatas, hindi bababa ang suweldo ng mga empleyado dahil hindi magbabago ang oras ng kanilang pasok at uwi. 

Pinahintulan rin umano ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ipatupad ng ilang kumpanya ang compressed work week.

Matatandaang ipinanukala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagbabawal sa mga provincial bus sa EDSA at pagpapasara ng 47 na bus terminal sa kalsada.

Ngunit muling na-suspendide ang dry run matapos magbaba ng court order laban dito.

Pero pananaw ni Go, wala pa ring epekto sa matinding daloy ng trapiko ang polisiyang minungkahi ng MMDA.