PANOORIN: Lalaki, nagsuot ng ‘protective bubble’ para makipag-date sa gitna ng community lockdown

2229
(Screnshot from Jeremy Cohen TikTok video)

BROOKLYN, New York – Sa gitna ng malawakang lockdown dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), kabi-kabilang istilo ng pag-eenjoy ang ginagawa ng karamihan para maiwasan lamang ang pagkabagot sa loob ng bahay.

Gaya ng isang lalaki na hindi natinag sa quarantine para maka-date ang babaeng kapitbahay na nakilala niya lang sa pamamagitan ng isang note.

Viral ngayon sa social media ang TikTok video ni Jeremy Cohen matapos niyang ibahagi ang inisyal niyang reaksyon nang mamataan ang kapitbahay na sumasayaw sa kanilang rooftop.

Aniya sa video, “I needed to say hi to her,” at makikitang kumaway din pabalik ang babae.

Maya-maya pa ay kumuha si Cohen ng piraso ng papel at isinulat ang kanyang phone number saka ito isinabit sa kanyang “drone” at ipinalipad sa babae na kalauna’y nakilala niya sa pangalang Tori Cignarella.




Matapos ang isang oras ay nakatanggap siya ng mensahe mula rito kaya agad niyang ipinost sa kanyang Twitter ang video.

Saad niya, “I can’t believe this actually worked and yes this is a real story.”

Agad na umabot sa 6.3 million views ang naturang video online.

Kaugnay nito, hindi dito natapos ang istorya ng dalawa dahil nakapag-date sila sa pamamagitan ng FaceTime app kung saan ibinahagi rin ni Cohen sa pang karagdagang video.

Sa video na sinabi niyang Part 2, nagkaroon ng dinner date si Cohen at Cignarella habang magkahiwalay sa kani-kanilang mga balkonahe.

Sabi niya, “Part two. Her name is Tori. She’s cute and kind and I’m so happy I met her.”

Samantala, hindi pa rito natapos ang lahat dahil nagawa nila ang magkita ng malapitan kahit na may mga coronavirus social distancing rules.

Sa kanyang pangatlong TikTok video, nagsuot ng isang protective bubble si Cohen at pinuntahan ni Cignarella para umano iwas pa rin mula sa virus.

“I needed to see her but I also wanted to respect the fact that we should be social distancing,” aniya.

Habang naglalakad ang dalawa ay nakita sila ng ilang pulis ngunit bago pa man sila punahin ay nagpakuha muna ang mga ito ng litrato.

Aniya sa caption, “Just because we have to social distance doesn’t mean we have to be socially distant.”

Ibinahagi ni Cohen ang pinagsama-samang video sa Twitter at agad umani ng samu’t saring reaksyon.

Ayon sa isang nagcomment, “This might be the one story that gets us all through quarantine. Thank you for that.”

Nagpasalamat naman ang isa pa at sinabing, “Can’t wait for the next episode! Thanks for the smiles during these crazy times.”