PANOORIN: Ivana Alawi, napaiyak sa video prank ni Raffy Tulfo

3742
(Screenshot from Raffy Tulfo YouTube video)

Napaluha ang aktres at vlogger na si Ivana Alawi matapos iprank ni idol Raffy Tulfo tungkol sa reklamo umano ng ilang netizens sa ipinamigay niyang relief goods sa Quezon City.

Sa ibinahaging YouTube video ni Raffy, mapapanood ang buong paghahanda nito kasama ng kanyang team na nagsilbing kasabwat ng video prank.

Sa una’y aakalain ng aktres na siya ay guest sa naturang online show ni Raffy ngunit wala itong ideya na mayroong inimbitang kunwaring complainant sa show.

INNITY ADS

Habang nagaganap ang prank video call, isang babaeng nagngangalang Loida Rivera mula sa Cubao, Quezon City ang papasok sa eksena na magpapanggap na magrereklamo laban kay Ivana matapos umano siyang ma-food poison sa ibinigay na relief goods ng aktres.

Sa kalagitnaan ng video ay humingi ng P200,000 bilang kabayaran si Loida para pampaospital at para mapagawa niya umano ang kanyang bahay at makabili ng motor.




Mapapanood na tila nagtataka ang aktres na agad umalma sa hinihingi ng complainant at sa halip ay inalok niya ito na babayaran ang lahat ng medical bills nito at bibigyan na lang ng pangkabuhayan.

Habang nagpapatuloy ang eksena, ibinunyag ni Loida na mayroon pa siyang tatlong kasamang gusto ring maghain ng reklamo laban sa aktres.

Dito na inimbita ni Raffy ang nanay at kapatid ni Ivana na nakasama niyang magbalot ng relief goods ngunit naging kuwestiyonable ito para sa aktres.

Habang tumatagal ay makikitang tila naiiyak na si Ivana at nakiusap na kung maaari ay huwag nang idamay ang kanyang pamilya.

Sa huli ay napagkasunduan na magbibigay ang aktres ng P50,000 kada complainant at sasagutin ang medical bills ng mga ito.

Habang naluluha ay saka na inamin ni Raffy na prank lang ang lahat.

Makikitang gulat na gulat si Ivana lalo nang malaman nitong kasabwat maging ang kanyang nanay at kapatid na si Mona.

Hindi rin makapaniwala ang aktres na maging si Raffy ay nagpa-prank na rin.

Sa huli ay nagkaaminan ang mga kasabwat at humingi ng paumanhin sa aktres.

Nagkaroon din ng pagkakataon si Raffy na magpasalamat dahil sa kabutihan ni Ivana lalo ngayong panahon ng krisis.

Samantala, maaalalang sa gitna ng COVID-19 pandemic ay isa si Ivana sa mga personalidad na nagbigay ng tulong sa mga kababayang apektado.