Netizen na nakalimutang isauli ang Angkas helmet, viral online

2880
(John Ramon Pesigan Eisma Facebook)

Viral sa social media ang kwento ng isang netizen na nakalimutan umanong isauli ang suot na helmet matapos siyang sumakay sa Angkas.

Noong Pebrero 4, ibinahagi ni John Ramon Pesigan Eisma ang karanasan dahil sa sobrang kalutangan.

Kwento niya, nagpasya siyang magpa-book ng Angkas para makauwi agad dahil nahihilo na raw siya noong mga oras na iyon.

INNITY ADS

“Nagbook ako from Malate to Makati. Binaba ako sa may Petron Makati Ave. tapos naglalakad na lang ako pabridge,” aniya.

Ramdam daw niya ang bigat ng kanyang ulo at sa pag-aakalang nahihilo lang ay nagpatuloy daw siya sa paglalakad.




Makailang saglit pa ay nagtaka raw si Pesigan dahil marami ang nakatinigin sa kanya.

“Nang makarating na ako sa Bridge may nagtanong. “Kuya angkas?” Sabi ko naman Hindi po,” saad niya.

Kaya naman pala, mayroon kasing helmet na suot ang naturang netizen.

Dahil sa gulat ay napasigaw pa raw siya sabay sabing, “Kanina pa ako naglalakad mula Petron hanggang dito ngayon ko lang napansin.”

Sa kakaibang pangyayari, marami ang agad na nagbigay ng reaksyon at komento dahil umano naka-relate sila sa kwento ni Pesigan.

May isang nagsabi, “Same nakauwi na ako sa bahay saka ko pa lang naalala yung helmet nasa ulo ko pa.. pasok ko sa pinto naumpog ako paghimas ko sa ulo ko may helmet pa ako.”

Umabot na sa 112K likes at 25K shares ang naturang post online at umani pa ng libu-libong komento sa Facebook.