PANOORIN: Marcelito Pomoy, ipinaayos ang bahay ng isang kababayan sa Quezon province

19119
(Screenshot from Marcelito Pomoy YouTube video)

Sa gitna ng banta ng COVID-19 pandemic sa bansa, isa ang singer na si Marcelito Pomoy na naghandog ng tulong sa ilang mga kababayang labis na apektado ng krisis.

Ibinahagi ng singer sa kanyang YouTube channel ang video kung saan mapapanood ang buong pangyayari sa ginawang pagtulong nito sa isang kababayang si Aurora Verano.

Sa loob lamang ng apat na araw ay muling naipatayo at naipaayos ni Marcelito ang bahay ni nanay Aurora na aniya’y sira-sira na at sobrang liit.

INNITY ADS

Nagtungo ang team ng singer sa lugar kung saan nakatira si nanay Aurora saka sinimulan ang demolition sa bahay nito at nagtayo ng bago.

Ayon kay Marcelito, nakilala niya ang ginang habang namimigay sila noon ng relief goods at nang makita nila ang kalagayan nito sa isang Facebook post na ibinahagi ng isang netizen.




Huli niya raw nabigyan ng relief si nanay Aurora at dito niya nakitang walang-wala umano ang ginang.

Kwento ng singer, hindi raw siya nagdalawang-isip na tulungan ito dahil naaalala raw niya ang buhay noong wala pa sa showbiz.

“Doon ko po na-realize na kailangan kong tulungan itong taong ito dahil bilang ako, kasi wala rin akong nanay noon,” aniya.

Sa video ay matutunghayan din ang labis na galak ni Marcelito nang matapos ang bago at munting bahay ni nanay Aurora.

Ngayon daw ay makakatulog na ito ng mapayapa dahil maayos na ang kanyang tirahan.

Samantala, maaalala namang kamakailan lang ay namahagi ng relief goods sa Quezon province ang singer kasama ang kanyang asawang si Joan dahil sa krisis dulot ng COVID-19.

Nagpasalamat din ito sa lahat ng mga naging katuwang nila sa pagbibigay tulong.

Nitong taon lang ng muling nakilala ang singer dahil sa pagsali niya sa America’s Got Talent: The Champions kung saan nakatuntong siya sa ikaapat na puwesto.