Ospital sa US, bumuo ng kasal bilang regalo sa pasyenteng may malubang kondisyon

461
(© Provided by WPTZ Plattsburgh-Burlington)

DELAWARE, USA – Sa kabila ng malubhang karamdaman, labis ang saya ng isang lalaki nang tuparin ng ospital na kanyang kinalalagakan na makasal siya sa kanyang nobya.

Nito lamang Pebrero 23, kinasal si Gus Jimenez sa kasintahang si Rachel sa Wilimington Hospital, isang Linggo matapos maganap ang wedding proposal.

Ayon sa National Cancer Institute, buwan ng Agosto nakaraang taon nang masurian ng doktor si Gus ng NUT carcinoma, isang kakaiba at mabilis kumalat na uri ng cancer na sinasabing walang lunas.

INNITY ADS

Kwento ni Rachel, nagbago raw ang lahat nang malaman nila ang kondisyon ng nobyo.

At nito lamang daw Enero 21, isinugod sa emergency room si Gus dahil sa dehydration.




Bawat araw ay mas lumalala raw ang kanyang kalagayan kaya mas kinailangan niya umanong manatili sa ospital.

Nito lamang Pebrero 15, sa pag-iisip na maaaring hindi na makauwi pa ng bahay, nag-propose si Gus kay Rachel.

Isang Linggo matapos nito ay nagpakasal ang dalawa sa Wilmington Hospital atrium na dinaluhan ng maraming tagasuporta.

Tumulong sa pag-dedecorate ng lugar ang mga caregivers ng ospital at sila na rin ang bumili ng cake at mga cupcakes para sa dalawa.

Sila rin ang nag-ayos ng mga upuan para sa mga bisitang dumalo ng espesyal na araw ng dalawa.

Nakatanggap din si Gus at Rachel ng mga donasyon mula Men’s Wearhouse at David’s Bridal para sa kanilang susuutin sa wedding day.

Isang photographer din ang nag-boluntaryo para sa kanilang kasal.

Sa ngayon ay masaya raw ang dalawa habang ipinagpapatuloy ang buhay nang magkasama.

Ani Rachel, “The perfect definition is just bittersweet. We’re still on cloud nine. We’re still living in the moment, and that’s basically what we’re doing every day. I still want to be his wife no matter what.”