Nurse sa Russia, nasuspinde dahil bra’t panty lang ang suot habang naka-PPE gown

22527
(Credit: East2west News)

Tila hindi alintana ng isang nurse sa Russia ang halos hubad niyang katawan sa ilalim ng suot na transparent personal protective equipment (PPE) habang nagtatrabaho sa isang ospital.

Suot lamang ang bra’t panty, sinuspinde ang nasabing babae na nasa edad 20s habang abala sa panggagamot sa COVID-19 patients sa Tula Regional Clinical Hospital sa Moscow, Russia.

(Credit: East2west News)

Sa report ng Tula Pressa newspaper, matinding init ng panahon daw ang nagtulak sa kanya para hindi magsuot ng panloob liban sa underwear.

At kahit wala umanong natatanggap na anumang reklamo ang ospital mula sa kanyang mga pasyente, itinuloy ng pamunuan ang nasabing disiplina.

Kalaunan ay iginiit ng nasabing nurse na hindi raw niya napagtantong kita ang suot na panloob dahil sa transparent na PPE.




Gayunman, kinumpirma ng regional health ministry na sasailalim ito sa disciplinary action dahil sa kanyang paglabag sa uniform requirements ngunit hindi sila naglabas ng detalyadong pahayag patungkol dito.

Kasabay nito ay kinakailangan niya rin daw magbigay ng public statement ngunit marami sa commenters ang agad umalma.

Saad ng isang Tula Pressa newspaper reader, “At least someone has a sense of humor in this gloomy, gloomy reality.”

“Why punish the nurse? You need to reward her. Seeing this outfit, no one wants to die,” komento naman ng isa.

Ayon pa sa iba, mabuti nga raw at napagaan ng nurse ang mood ng kanyang mga pasyente.

Samantala, nito lang Miyerkules, naiulat na mayroon nang humigit-kumulang 309,000 kaso ng COVID-19 sa Russia at halos 3,000 na ang nasawi.