FACE MASK TREE: Ginang sa US, isinabit sa puno ang mga tinahing face masks para sa mga nangangailangan

248
(Deb Siggins Facebook)

Face mask tree ba kamo?

Sa unang tingin ay iisiping Christmas tree na may mga nakasabit na Christmas balls ang nakatayong puno malapit sa bahay ng isang residente sa Lisbon, Iowa USA.

Ngunit kung susuriing mabuti, hindi balls kundi makukulay na face masks ang nakasabit dito.

INNITY ADS

Naisip kasi ni Deb Siggins, 55, na magbigay ng regalo sa pamamagitan ng pagtatahi ng mga face masks at isabit ito sa kalapit na puno para sa kanyang mga kaibigan, kaanak, at mga kapitbahay.

(Deb Siggins Facebook)

Gusto niyang handugan ang mga ito ng simpleng regalo na pwede umano nilang kunin anumang oras nila gusto at kailanganin.




Kwento ni Siggins, plano lang niya noong una na gumawa ng 100 piraso para ipamahagi sa isang ospital ngunit nakiusap raw ang kanyang mga kaibigan at kaanak na magtahi rin para sa kanila.

“It went crazy, I’m getting so many requests from everywhere to the point where I can’t keep up,” aniya.

Saad niya, misyon lang niya na tulungan ang kanilang lokal na ospital, ang UnityPoint Health’s St. Luke’s Hospital, matapos humiling ang mga health care workers na tahian sila ng mga face masks lalo’t nagkakaubusan na ng suplay sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa nagkakaubusang masks sa US, naisip ni Siggins na isabit ang sariling tahing masks sa naturang puno araw-araw.

Marami na ang natulungan ng kanyang face mask tree kabilang na ang ilang manggagawa, mga bumbero, ilang empleyado ng grocery stores at mga matatandang pasyente.

“I’m a giver not a taker, so I’m always happy to help,” giit niya.

Ayon pa kay Siggins, hindi na raw nya itinigil ang pagtatahi ng masks simula nang makatanggap siya ng samu’t saring requests mula sa kapwa residente ng lugar.