
Bilang tulong sa kaligtasan ng mga nagsusumikap na health workers para masugpo ang coronavirus disease 2019 (COVID-19), nagtayo ng mga sleeping tents ang aktres na si Angel Locsin sa pakikipagtulungan at rekomendasyon ng lokal na pamahalaan.
Sa pangunguna ng kanyang fiance, film producer na si Neil Arce at ng kanilang wedding organizer La Belle Fete, nanawagan ang aktres sa kanyang social media followers at kasamahan sa industriya na makapagpahiram o makapaghandog ng mga higaan.
Ibinahagi ni Angel sa kanyang Instagram account ang panawagan sa pamamagitan ng isang video.
Aniya, “Hi everyone! @labellefete @neil_arce and I, understand that life is hard right now, so we’ll refrain from asking you for financial donations. Instead, we would like to ask you for stuff that you already have.”
Itatayo ang nasabing tents sa loob o sa pwestong malapit sa mga ospital kung saan nagtatrabaho ang ilang frontliners.
“..so they don’t have to worry about where to stay and transportation,” paliwanag nito.
Humingi rin ng tulong ang aktres sa mga kasamahan sa showbiz sa pagpapahiram ng mga higaan para sa mga frontliners.
Una nang pinasalamatan ng aktres sina Anne Curtis, Bea Alonzo at Angelica Panganiban sa paghahandog nila ng kanilang mga higaan.
Ayon kay Angel, tunay na malaking hamon ang nararanasang krisis dulot ng COVID-19 ngunit kilala raw ang mga Pilipino na matatapang lalo na kapag nagkakaisa.
Giit niya, “We made it through Ondoy, Yolanda, Mt. Pinatubo and Taal eruption, and we will surely overcome this as a nation.”
Sa huli ay nakiusap ang aktres na tulungan at suportahan ang mga frontliners na magligtas ng buhay ng ating mga kababayan.
Ipinasilip din ni Angel sa kanyang IG stories ang ilang mga tents na kanila nang naitayo kabilang ang mga higaang handog nina Ria Atayde, Paulo Avelino at Lorna Tolentino.

Ibinahagi rin ng aktres nitong Lunes ang kanilang larawan ni Neil habang nakasuot ng facemask na may caption na, “Operation Day 2 with my rock❤️ #HealTheWorld.”
Samantala, ngayong Martes ng umaga ay umakyat na sa 501 ang mayroong coronavirus sa bansa ayon sa tala ng Department of Health (DOH).