64-anyos nurse na patuloy ang serbisyo sa pagsugpo ng COVID-19, hinangaan online

1852
(Maricon Gonzales Facebook)

Sa gitna ng patuloy na paglawak ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), tila hindi nagpapadaig ang 64-anyos na nurse ng Philippine General Hospital para maging katuwang sa pagsugpo nito.

Sa Facebook ay pinasalamatan ng netizen na si Maricon Gonzales ang kanyang nurse na ina na si Alita Rosario Gonzales dahil sa determinasyon nitong matulungan ang mga naapektuhan ng COVID-19.

APPRECIATION POST.My mom is a nurse. Only 11 months before her retirement. 64 years old and very prone to this…

Posted by Maricon Gonzales on Friday, March 20, 2020

Kwento niya, 11 buwan na lang ang itatagal nito bilang nurse bago magretiro sa ospital at sa kanyang edad, mas madali umano itong kapitan ng virus.

“Despite all of these, she is very determined to go to work and help save lives,” saad niya.

Pinipigilan na raw ng kanyang buong pamilya ang ina na magtrabaho at manatili lamang sa bahay sa takot na maaaring mahawa ng sakit ngunit wala raw sa kanila ang makapagpaawat dito.

“May sinumpaan kaming tungkulin sa bayan,” ito raw tanging sagot ng kanyang ina na aniya handang ibuwis ang buhay para maisalba ang buhay ng iba.

Isinalarawan din ni Maricon ang ina na masipag, determinado at isang dedikadong nurse.

“Salute to all those risking their lives. Cheers to all the frontliners,” mensahe ni Maricon sa lahat ng frontliners.

Samantala, umani ng samu’t saring papuri ang naturang nurse sa social media na nakatanggap ng kabi-kabilang pagsaludo mula sa mga netizens.

“Salute mam for your dedication and hard working nurse to help the affected patient from. Pray for your good health and safetiness to health workers🙏🏻,” sabi ng isang nagkomento.

Saad naman ng isa, “May God be with you po ma’am and keep you safe. I feel so proud of Filipino health workers and frontliners. Maybe God will just have to answer all the prayers because of the outpouring of love and sacrifice from all like you.”

Ngayon ay mayroon ng 51K likes, 15K comments at mahigit 6K shares ang nasabing post online.