Willie Revillame, namahagi ng relief goods sa mga residente ng Puerto Galera

1652
(Wowowin Facebook)

Sa gitna ng enhanced community quarantine sa Luzon, namahagi ang Wowowin host na si Willie Revillame ng pagkain at inumin sa mga residente ng Puerto Galera.

Dahil hindi na nakauwi ng Metro Manila, minabuti na lamang ni Kuya Wil na manatili sa kanyang resort.

Ayon sa kanya, dahil sa lockdown ay pinagbawalan na ang mga residente na magpunta sa kung saan-saan para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Dahil wala umanong kahit anong transportasyon sa lugar, hirap daw ang mga tagaroon na magpunta sa palengke kaya naisip niya umanong magbigay ng makakain gaya ng bigas at ulam.

Nasa 40 sako ng bigas, ilang kahon ng noodles at ilang bote ng tubig ang ipinamigay ng TV host sa mga residente ng Puerto Galera.

Naging katuwang niya ang ilang volunteers na tumulong na maihatid ang relief goods sa iba’t ibang parte ng naturang lugar.

Malaki naman ang pasasalamat ng mga residente sa tulong na natanggap mula kay Kuya Wil.

Saad niya, kahit papano raw ay makakatulong ang maliit na bagay na inihandog niya para sa mga ito.

Hiling din ni Kuya Wil na manatili na lamang sa kani-kanilang tahanan ang mga residente at nawa’y matapos na umano ang kinakaharap na krisis para raw matigil na ang hirap na nararanasan ng lahat dulot ng community quarantine.

Kamakailan lang ay nagbigay pa siya ng mensahe at tulong para sa mga apektado ng COVID-19.

Samantala, ngayong Biyernes ay magiging live ang Wowowin sa Facebook kung saan mamimigay umano ng cash prize sa mas maraming manonood si Kuya Wil.