Police trainee sa Oroquieta, pinakyaw ang nilalakong walis tingting ng 89-anyos na lola

1386

Inulan ng paghanga at papuri ang isang police trainee sa Oroquieta City, Misamis Occidental dahil sa pagmamalasakit na ipinakita sa isang 89-taong-gulang na lola na nagtitinda ng walis tingting.

Naka-destino sa isang checkpoint sa Brgy. Paypayan si Raymon Lendio nang makita ang matandang babae na naglalakad sa gitna ng tirik ng araw noong Sabado.

Agad daw sinalubong ni Lendio ang senior citizen na kinilalang si Maria at pinaupo sa tent na malapit sa checkpoint nila.

INNITY ADS

Kuwento ng police trainee, sinabi sa kaniya ng matandang babae na lumabas ito ng bahay para mailako ang ginawang walis tingting.

Nagbabakasali raw kasi si Lola Maria na makakabenta upang may pambili ng pagkain.




Dahil sa awa at sitwasyon ng senior citizen, hindi na nag-atubili si Lendio na pakyawin ang paninda nito.

Binigyan din ng good samaritan ng face mask si Lola Maria at isinakay sa isang motorcab para makauwi na ito ng maayos.

Ibinahagi ng Facebook page na PSTFP 02-2019 Misamis Occidental Team Oroquieta ang nakaaantig na istorya na umani ng halos 5,000 positive reactions mula sa mga netizen.

Sa ilalim ng enhanced community quarantine, mahigpit na ipinagbabawal ang paglabas ng bahay, lalo na sa matatanda na madalas pinupuntirya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

(PHOTOS COURTESY OF PSTFP 02-2019 Misamis Occidental Team Oroquieta)